Photo: pna.gov.ph
Inamin ng Department of Education (DepEd) nitong Biyernes na magiging "hamon" ang mga polling precinct na may malaking bilang ng mga botante sa halalan sa Lunes sa gitna ng banta ng COVID-19, ngunit tiniyak nitong handa itong ipatupad ang mga health protocols.
Dahil sa mas mahabang oras ng botohan noong Mayo 9 kumpara sa mga nakaraang halalan, naniniwala si DepEd undersecretary Alain Pascua na maipapatupad nila ang physical distancing at iba pang health protocols.
"Ang problema lang kung magbultuhan kasi usually nagbubultuhan tuwing umaga, iyong first hours, between 6 a.m. to 9 a.m. Tapos pagdating ng tanghali hanggang hapon, halos wala, tapos biglang magbubultuhan na naman iyong last two hours," paliwanag niya nung biyernes sa press conference.
Sinabi ni Atty. Marcelo Bragado Jr. ng DepEd Election Task Force na ang sitwasyon sa mga polling precinct ay "generally peaceful" simula nang lumipat ang bansa sa automated elections.
Nakahanda ang DepEd Election Task Force Operation and Monitoring Center na tumugon sa mga alalahanin sa real-time, bukas simula ala-1 ng hapon ng Mayo 8 hanggang 5 p.m. ng Mayo 10.
Gagamit din ang DepEd ng election monitoring app, na available sa Google Play at App Store.
Samantala, ibibigay naman ang mga code sa mga guro at poll worker, na magagamit nila sa ride hailing app na Grab para mauna sila sa pag-book ng mga sakay.
Magkakaroon ng express lane sa mga polling center para sa mga medikal na tauhan na may tungkuling may kinalaman sa halalan, habang ang mga vaccination site ay ilalagay "sa labas at lampas sa 30 metro" mula sa mga polling center.
Mayroong 37,219 na paaralan na gagamitin bilang polling precincts, at 647,812 DepEd teaching at nonteaching personnel ang magsisilbi sa Araw ng Halalan.
Tiniyak ni Pascua na matatanggap ng mga tauhan ng DepEd ang kanilang honoraria sa takdang oras, na nakatakdang ipamahagi mula Mayo 10 hanggang 24.
"It's mandated by law... Noong 2019, they were compelled to pay everything, I think, even two days before the deadline, nagawa nilang tapusin 'yan," sabi pa niya.
0 Comments