Inilalatag ang Binagong SHS Curriculum; Gatchalian Isinusulong ang Mas Magandang Trabaho para sa mga Nagtapos

                           Credit: www.pinoyperyodiko.com

Habang nakatakdang ipatupad ang binagong kurikulum ng Senior High School (SHS), isinusulong ni Senador Win Gatchalian ang mas epektibong paghahanda ng mga estudyante para sa trabaho at mas mataas na pagkakataong makahanap ng maayos na hanapbuhay.

Ayon sa Department of Education (DepEd), sisimulan ang pagpapatupad ng bagong kurikulum sa School Year 2025-2026 at unti-unting ipapakilala sa mga paaralan. Sa ilalim ng pagbabagong ito, ang bilang ng core subjects ay babawasan mula 15 hanggang maging 5-7 na lamang ito, upang bigyang-daan ang mas maraming elective subjects. Sa ganitong paraan, mas makakapili ang mga mag-aaral ng mga asignaturang tumutugma sa kanilang interes at mga planong karera.


Panukalang Batang Magaling Act: Para sa Mas Handang SHS Graduates

Kasabay ng repormang ito, isinusulong ni Gatchalian ang pagpasa ng Batang Magaling Act (Senate Bill No. 2367), na layuning gawing mas tugma sa pangangailangan ng industriya ang SHS curriculum at work immersion programs. Sa pamamagitan nito, mas magiging handa ang mga nagtapos ng SHS sa totoong mundo ng trabaho.

Isang mahalagang bahagi ng panukala ay ang pagbuo ng National Batang Magaling Council, na tututok sa pagsasanib ng edukasyon sa SHS at mga pangangailangan sa merkado ng paggawa. Ang konsehong ito ay bubuuin ng mga kinatawan mula sa:

    1. DepEd

    2. Technical Education and Skills Development Authority (TESDA)

    3. Department of Labor and Employment (DOLE)

    4. Tatlong pangunahing industriya sa bansa

    5. Isang pambansang grupo ng mga manggagawa at

    5. Union of Local Authorities of the Philippines

Bukod sa pambansang konseho, magtatatag din ng mga lokal na konseho sa antas ng bayan, lungsod, at lalawigan upang mas mapalapit ang mga programa sa mga estudyante at employer.


Libreng National Competency Assessments para sa SHS-TVL Learners

Upang matiyak na may sapat na kakayahan ang mga nagtapos ng SHS, isinusulong din ni Gatchalian ang libreng national competency assessments, partikular para sa mga estudyanteng nasa Technical-Vocational-Livelihood (TVL) track. Sa pamamagitan nito, magkakaroon ng pagkakataon ang mga estudyante na makuha ang kanilang National Certifications (NCs) nang walang gastusin—isang malaking tulong para sa kanilang pagpasok sa trabaho.

Matagumpay ding naitaguyod ni Gatchalian ang ₱275.86 milyong pondo sa pambansang badyet ng 2025 para sa libreng assessment at certification ng SHS-TVL learners. Layunin niyang gawing permanente ito sa pamamagitan ng Batang Magaling Act, upang matiyak na lahat ng SHS graduates ay may sapat na kwalipikasyon at kakayahan.


Gatchalian: Dapat Matupad ang Pangakong "Job Readiness" ng K to 12

Ayon kay Gatchalian, na siyang namumuno sa Senate Committee on Basic Education, kailangang maramdaman ng mga estudyante at kanilang mga magulang ang benepisyo ng SHS program, lalo na sa aspeto ng paghahanap ng magandang trabaho.

"Mahalaga na matupad ang pangako ng K to 12 na maging handa sa trabaho ang mga nagtapos. Habang nire-reporma natin ang senior high school, dapat makita ng mga estudyante at kanilang pamilya ang malinaw na benepisyo nito, lalo na sa pagkakaroon ng maayos na hanapbuhay," ani Gatchalian.

Ang pagbabagong ito sa SHS curriculum ay isa sa mga hakbang upang gawing mas epektibo ang edukasyon sa bansa at masigurong may direksyon ang kinabukasan ng mga mag-aaral.


Source: Senate Pres Release, February 1







Post a Comment

0 Comments