Image credit: News5
Bilang tugon sa kakulangan ng mga namumuno sa pampublikong paaralan, nangako ang Department of Education (DepEd) na magtalaga ng mahigit 15,000 kwalipikadong guro bilang punong-guro ngayong taon. Kasabay nito, magpapalabas ito ng mga alituntunin at aayusin ang proseso ng paghirang ng mga principal upang mapabuti ang sistema ng edukasyon sa bansa.
"Ang kalidad ng edukasyon ay nakasalalay sa kalidad ng ating mga guro. Kahit gaano karaming paaralan ang ating itayo, mananatili itong walang buhay kung wala ang mga guro na siyang puso ng ating sistema ng edukasyon," pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang SONA bilang patunay ng kanyang pangakong unahin ang kapakanan ng mga guro.
Batay sa ulat ng Year 2 ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), 55% ng mga pampublikong paaralan sa Pilipinas ay walang itinalagang punong-guro. Ang kakulangang ito ay dulot ng mababang porsyento ng pumapasa sa National Qualifying Examination for School Heads (NQESH), mataas na bilang ng umaalis sa serbisyo, kaunting bilang ng mga kwalipikadong aplikante, at mabigat na proseso ng kwalipikasyon. Bukod dito, kulang din ang mentoring, coaching, at pormal na induction programs para sa mga bagong punong-guro.
Upang matugunan ito, magsasagawa ang DepEd ng ilang mahahalagang hakbang ngayong taon. Unang-una, itatalaga ang kasalukuyang 7,916 na NQESH passers noong 2024 upang punan ang mga bakanteng posisyon sa paaralan.
"Napakalaking problema nito. Napakaraming paaralan ang walang namumuno—dahil ang ating mga punong-guro ang nagsisilbing utak ng ating mga paaralan. Sisiguraduhin ng DepEd na agad nating matutugunan ito," pahayag ni Education Secretary Sonny Angara.
Bilang karagdagang solusyon, maglalabas ang DepEd ng pansamantalang mga alituntunin upang matiyak na ang mga principal na nakatalaga sa ibang opisina ay maibabalik sa kanilang orihinal na paaralan. Magkakaroon din ng muling pagtatalaga ng mga sobrang posisyon ng principal sa mga paaralang nangangailangan.
Kasabay nito, ipatutupad ang Expanded Career Progression Policy kung saan ang 14,761 Head Teachers (I-V) ay ire-reclassify bilang School Principal I. Samantala, ang 954 Head Teachers VI at Assistant School Principal II ay mapapalitan ng titulong School Principal I.
Sa ilalim ng sistemang ito, bibigyang prayoridad ang mga acting school heads bilang “on-stream candidates” upang mapabilis ang kanilang promosyon bilang punong-guro. Ang mga kwalipikadong guro na dumaan sa reclassification ay agad ding maitatakda bilang principal sa kanilang mga paaralan.
Simula 2025, mas pagtutuunan ng pansin ng NQESH ang competency assessment upang magsilbing batayan sa pagsasanay at pagpapalakas ng kakayahan ng mga guro. Ipapasa rin sa mga rehiyon ang pamamahala ng pagsusulit bilang bahagi ng pagpapabuti ng sistema.
Pagsapit ng 2026, ipatutupad ng DepEd ang School Organizational Structure and Staffing Standards (SOSSS) upang masiguro ang 1:1 na ratio ng punong-guro sa paaralan. Magdaragdag din ng 5,870 na posisyon para sa School Principal I upang suportahan ang proyektong ito at tiyakin na walang paaralang maiiwan nang walang namumuno.
Source: Philippine News Agency
0 Comments